|
Sponsored by Holy Books
Kabanata 41 ↟↟
- apalad siya na nagpapakundangan sa dukha. ililigtas siya ng Panginoon sa panahon ng kaligaligan.
- Pananatilihin siya, at iingatan siyang buhay ng Panginoon, at siya'y pagpapalain sa ibabaw ng lupa, at huwag mong ibigay siya sa kalooban ng kaniyang mga kaaway.
- Aalalayan siya ng Panginoon sa hiligan ng panghihina. iyong inaayos ang buo niyang higaan sa kaniyang pagkakasakit.
- Aking sinabi, Oh Panginoon, maawa ka sa akin. pagalingin mo ang aking kaluluwa, sapagka't ako'y nagkasala laban sa iyo.
- Ang aking mga kaaway ay nangagsasalita ng kasamaan laban sa akin, na nangagsasabi, kailan siya mamamatay, at mapapawi ang kaniyang pangalan?
- At kung siya'y pumaritong tingnang ako siya'y nagsasalita ng walang kabuluhan, ang kaniyang puso ay nagpipisan ng kasamaan sa kaniyang sarili, pagka siya'y lumabas, isinasaysay niya.
- Yaong lahat na nangagtatanim sa akin ay nangagbubulong-bulungan laban sa akin. laban sa akin ay nagsisikatha ng panghamak.
- Isang masamang sakit, wika nila, ay kumapit na madali sa kaniya, at ngayon siyang nahihiga ay hindi na babangon pa.
- Oo, ang aking kasamasamang kaibigan, na aking tiniwalaan, na kumain ng aking tinapay, nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.
- Nguni't ikaw, Oh Panginoon, maawa ka sa akin, at ibangon mo ako, upang aking magantihan sila.
- Sa pamamagitan nito ay natatalastas ko na nalulugod ka sa akin, sapagka't ang aking kaaway ay hindi nagtatagumpay sa akin.
- At tungkol sa akin, iyong inaalalayan ako sa aking pagtatapat, at inilalagay mo ako sa harap ng iyong mukha magpakailan man.
- Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan. Siya nawa, at Siya nawa.
Kabanata 42 ↟↟
- ung paanong humihingal ang usa sa pagkauhaw sa tubig ng mga batis, gayon humihingal ang aking kaluluwa sa pagkasabik sa iyo, Oh Dios.
- Kinauuhawan ng aking kaluluwa ang Dios, ang buhay na Dios. kailan ako paririto, at haharap sa Dios?
- Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi, Habang kanilang sinasabing lagi sa akin, saan nandoon ang iyong Dios?
- Ang mga bagay na ito ay aking naaalaala, at nanglulumo ang aking kaluluwa sa loob ko, kung paanong ako'y nagpatuloy sa karamihan, at pinatnubayan ko sila sa bahay ng Dios, na may tinig ng kagalakan at pagpupuri, na isang karamihan na nagdidiwang ng kapistahan.
- Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios. sapagka't pupuri pa ako sa kaniya dahil sa kagalingan ng kaniyang mukha.
- Oh Dios ko, ang aking kaluluwa ay nanglulumo sa loob ko, kaya't aking inaalaala ka mula sa lupain ng Jordan, at ng Hermonitas, mula sa burol ng Mizhar.
- Kalaliman ay tumatawag sa kalaliman sa hugong ng iyong mga baha. lahat ng iyong alon at ang iyong malaking alon ay nagsitabon sa akin.
- Gayon ma'y uutusan ng Panginoon ang kaniyang kagandahang-loob sa araw, at sa gabi ay sasa akin ang awit sa kaniya, sa makatuwid baga'y isang dalangin sa Dios ng aking buhay.
- Aking sasabihin sa Dios na aking malaking bato, bakit mo ako kinalimutan? Bakit ako'y yayaong tumatangis dahil sa pagpighati ng kaaway?
- Na wari tabak sa aking mga buto, na tinutuya ako ng aking mga kaaway, habang sinasabi nilang lagi sa akin, saan nandoon ang iyong Dios?
- Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios. sapagka't pupuri pa ako sa kaniya, na siyang kagalingan ng aking mukha, at aking Dios.
Kabanata 43 ↟↟
- atulan mo ako, Oh Dios, at ipagsanggalang mo ang aking usap laban sa masamang bansa. Oh iligtas mo ako sa magdaraya at hindi ganap na tao.
- Sapagka't ikaw ang Dios ng aking kalakasan, bakit mo ako itinakuwil? Bakit ako yumayaong tumatangis dahil sa pagpighati ng kaaway?
- Oh suguin mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan, patnubayan nawa nila ako. dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok, at sa iyong mga tabernakulo.
- Kung magkagayo'y paparoon ako sa dambana ng Dios, sa Dios na aking malabis na kagalakan. at sa alpa ay pupuri ako sa iyo, Oh Dios, aking Dios.
- Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios. sapagka't pupuri pa ako sa kaniya, na siyang kagalingan ng aking mukha, at aking Dios.
Kabanata 44 ↟↟
- arinig namin ng aming mga pakinig, Oh Dios, isinaysay sa amin ng aming mga magulang, kung anong gawa ang iyong ginawa sa kanilang mga kaarawan, ng mga kaarawan ng una.
- Iyong itinaboy ng iyong kamay ang mga bansa, nguni't itinatag mo sila, iyong dinalamhati ang mga bayan, nguni't iyong pinangalat sila.
- Sapagka't hindi nila tinamo ang lupain na pinakaari sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak, ni iniligtas man sila ng kanilang sariling kamay. kundi ng iyong kanan, at ng iyong bisig, at ng liwanag ng iyong mukha, sapagka't iyong nilingap sila.
- Ikaw ang aking Hari, Oh Dios. magutos ka ng kaligtasan sa Jacob.
- Dahil sa iyo'y itutulak namin ang aming mga kaaway. sa iyong pangalan ay yayapakan namin sila na nagsisibangon laban sa amin.
- Sapagka't hindi ako titiwala sa aking busog, ni ililigtas man ako ng aking tabak.
- Nguni't iniligtas mo kami sa aming mga kaaway, at inilagay mo sila sa kahihiyan na nangagtatanim sa amin.
- Sa Dios ay naghahambog kami buong araw, at mangagpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailan man. Selah
- Nguni't ngayo'y itinakuwil mo kami, at inilagay mo kami sa kasiraang puri, at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
- Iyong pinatatalikod kami sa kaaway. at silang nangagtatanim sa amin ay nagsisisamsam ng sa ganang kanilang sarili.
- Iyong ibinigay kaming gaya ng mga tupa na pinaka pagkain, at pinangalat mo kami sa mga bansa.
- Iyong ipinagbibili ang iyong bayan na walang bayad, at hindi mo pinalago ang iyong kayamanan sa pamamagitan ng kanilang halaga.
- Ginawa mo kaming katuyaan sa aming mga kapuwa, isang kasabihan at kadustaan nila na nangasa palibot namin.
- Iyong ginawa kaming kawikaan sa gitna ng mga bansa, at kaugaan ng ulo sa gitna ng mga bayan.
- Buong araw ay nasa harap ko ang aking kasiraang puri, at ang kahihiyan ng aking mukha ay tumakip sa akin,
- Dahil sa tinig niya na dumuduwahagi at tumutungayaw, dahil sa kaaway at sa manghihiganti.
- Lahat ng ito'y dumating sa amin, gayon ma'y hindi namin kinalimutan ka, ni gumawa man kami na may karayaan sa iyong tipan.
- Ang aming puso ay hindi tumalikod, ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan,
- Na kami ay iyong lubhang nilansag sa dako ng mga chakal, at tinakpan mo kami ng lilim ng kamatayan.
- Kung aming nilimot ang pangalan ng aming Dios, O aming iniunat ang aming mga kamay sa ibang dios,
- Hindi ba sisiyasatin ito ng Dios? Sapagka't nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
- Oo, dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw, kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.
- Ikaw ay gumising, bakit ka natutulog, Oh Panginoon? Ikaw ay bumangon, huwag mo kaming itakuwil magpakailan man.
- Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha, at kinalilimutan mo ang aming kadalamhatian at aming kapighatian?
- Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok. ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.
- Ikaw ay bumangon upang kami ay tulungan, at tubusin mo kami dahil sa iyong kagandahang-loob.
Kabanata 45 ↟↟
- ng aking puso ay nananagana sa isang mainam na bagay. aking sinasalita ang mga bagay na aking ginawa tungkol sa hari. ang aking dila ay panulat ng bihasang manunulat.
- Ikaw ay maganda kay sa mga anak ng mga tao, biyaya ay nabubuhos sa iyong mga labi. kaya't pinagpala ka ng Dios magpakailan man.
- Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, Oh makapangyarihan, kalakip ang iyong kaluwalhatian at ang iyong kamahalan.
- At sa iyong kamahalan ay sumakay kang may kaginhawahan, dahil sa katotohanan, at sa kaamuan, at sa katuwiran. at ang iyong kanan ay magtuturo sa iyo ng kakilakilabot na mga bagay.
- Ang iyong mga palaso ay matulis, ang mga bayan ay nangabubuwal sa ilalim mo. sila'y nangasa puso ng mga kaaway ng hari.
- Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan-kailan man. cetro ng kaganapan ang cetro ng iyong kaharian.
- Iyong iniibig ang katuwiran, at pinagtataniman ang kasamaan. kaya't ang Dios, ang iyong Dios, ay nagpahid sa iyo ng langis, ng langis ng kasayahan na higit kay sa iyong mga kasama.
- Ang lahat ng iyong mga damit ay amoy mira, at aloe, at kasia. mula sa bahay-haring garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na kawad.
- Ang mga anak na babae ng hari ay nangasa gitna ng iyong mga marangal na babae. sa iyong kanan ay nakatayo ang reyna na may ginto sa Ophir.
- Iyong dinggin, Oh anak na babae, at iyong pakundanganan, at ikiling mo ang iyong pakinig, kalimutan mo naman ang iyong sariling bayan, at ang bahay ng iyong magulang,
- Sa gayo'y nanasain ng hari ang iyong kagandahan, sapagka't siya'y iyong panginoon, at sumamba ka sa kaniya.
- At ang anak na babae ng Tiro ay dodoon na may kaloob, pati ng mayaman sa gitna ng iyong bayan ay mamamanhik ng iyong lingap.
- Ang anak na babae ng hari ay totoong maluwalhati sa bahay-hari. Ang kaniyang suot ay yaring may ginto.
- Siya'y ihahatid sa hari na may suot na bordado. ang mga dalaga, na kaniyang mga kasama na nagsisisunod sa kaniya, ay dadalhin sa iyo.
- May kasayahan at kagalakan na ihahatid sila. sila'y magsisipasok sa bahay-hari.
- Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak, na siya mong gagawing mga pangulo sa buong lupa.
- Aking ipaaalaala ang iyong pangalan sa lahat ng sali't saling lahi. kaya't ang mga bayan ay mangagpapasalamat sa iyo magpakailan-kailan man.
Kabanata 46 ↟↟
- ng Dios ay ating ampunan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.
- Kaya't hindi tayo matatakot bagaman ang lupa ay mabago, at bagaman ang mga bundok ay mangaglipat sa kagitnaan ng mga dagat,
- Bagaman ang tubig niyaon ay magsihugong at mabagabag. Bagaman ang mga bundok ay mangauga dahil sa unos niyaon. Selah
- May isang ilog, na ang mga agos ay nagpapasaya sa bayan ng Dios. Sa banal na dako ng mga tabernakulo ng Kataastaasan.
- Ang Dios ay nasa gitna niya, siya'y hindi makikilos. tutulungan siya ng Dios na maaga.
- Ang mga bansa ay nangagkagulo, ang mga kaharian ay nangakilos. inihiyaw niya ang kaniyang tinig, ang lupa ay natunaw.
- Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa atin, ang Dios ni Jacob ay ating kanlungan. Selah
- Kayo'y parito, inyong masdan ang mga gawa ng Panginoon, kung anong mga kagibaan ang kaniyang ginawa sa lupa.
- Kaniyang pinapaglilikat ang mga pagdidigma sa wakas ng lupa, kaniyang binabali ang busog, at pinuputol ang sibat, kaniyang sinusunog ang mga karo sa apoy.
- Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios. ako'y mabubunyi sa gitna ng mga bansa, ako'y mabubunyi sa lupa.
- Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa atin, ang Dios ni Jacob ay ating kanlungan.
Kabanata 47 ↟↟
- h ipakpak ang inyong mga kamay ninyong lahat na mga bayan, magsihiyaw kayo sa Dios ng tinig ng pagtatagumpay.
- Sapagka't ang Panginoong kataastaasan ay kakilakilabot, siya'y dakilang Hari sa buong lupa.
- Kaniyang pasusukuin ang mga bayan sa ilalim natin, at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
- Kaniyang ipipili tayo ng ating mana, ang karilagan ni Jacob na kaniyang minahal. Selah
- Ang Dios ay napailanglang na may hiyawan, ang Panginoon na may tunog ng pakakak.
- Kayo'y magsiawit ng mga pagpuri sa Dios, kayo'y magsiawit ng mga pagpuri. kayo'y magsiawit ng mga pagpuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga pagpuri.
- Sapagka't ang Dios ay Hari ng buong lupa. magsiawit kayo ng mga pagpuri na may pagunawa.
- Ang Dios ay naghahari sa mga bansa. ang Dios ay nauupo sa kaniyang banal na luklukan.
- Ang mga pangulo ng mga bayan ay nangapipisan upang maging bayan ng Dios ni Abraham, sapagka't ang mga kalasag ng lupa ay ukol sa Dios, siya'y totoong bunyi.
Kabanata 48 ↟↟
- akila ang Panginoon, at marapat pakapurihin, sa bayan ng aming Dios, sa kaniyang banal na bundok.
- Maganda sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa, siyang bundok ng Sion, sa mga dako ng hilagaan, na bayan ng dakilang Hari.
- Ang Dios ay napakilala sa kaniyang mga bahay-hari, na pinakakanlungan.
- Sapagka't narito, ang mga hari ay nagpupulong, sila'y nagsidaang magkakasama.
- Kanilang nakita, nagsipanggilalas nga sila, sila'y nanganglupaypay, sila'y nangagmadaling tumakas.
- Panginginig ay humawak sa kanila roon, sakit, gaya ng sa isang babae sa pagdaramdam.
- Sa pamamagitan ng hanging silanganan iyong binabasag ang mga sasakyan sa Tharsis.
- Kung ano ang aming narinig, ay gayon ang aming nakita sa bayan ng Panginoon ng mga hukbo, sa bayan ng aming Dios. itatatag ito ng Dios magpakailan man. Selah
- Aming inaalaala ang iyong kagandahang-loob, Oh Dios, sa gitna ng iyong templo.
- Kung ano ang iyong pangalan, Oh Dios, gayon ang pagpuri sa iyo hanggang sa mga wakas ng lupa, ang iyong kanan ay puspos ng katuwiran.
- Matuwa ka bundok ng Sion, magalak ang mga anak na babae ng Juda, dahil sa iyong mga kahatulan.
- Libutin ninyo ang Sion, at inyong ligirin siya. inyong saysayin ang mga moog niyaon.
- Tandaan ninyong mabuti ang kaniyang mga kuta, inyong masdan ang kaniyang mga bahay-hari, upang inyong maisaysay ito sa susunod na lahi.
- Sapagka't ang Dios na ito ay ating Dios magpakailan-kailan man. siya'y magiging ating patnubay hanggang sa kamatayan.
Kabanata 49 ↟↟
- inggin ninyo ito, ninyong lahat na mga bayan, pakinggan ninyo, ninyong lahat na nananahan sa daigdig.
- Ng mababa at gayon din ng mataas, ng mayaman at ng dukha na magkasama.
- Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan, at ang pagbubulay ng aking puso ay magiging sa pagunawa.
- Ikikiling ko ang aking panig sa talinghaga. ibubuka ko ang aking malabong sabi sa alpa.
- Bakit ako matatakot sa mga kaarawan ng kasamaan, pagka kinukulong ako ng kasamaan sa aking mga sakong?
- Silang nagsisitiwala sa kanilang kayamanan, at nangaghahambog sa karamihan ng kanilang mga kayamanan,
- Wala sa kaniyang makatutubos sa ano pa mang paraan sa kaniyang kapatid, ni magbibigay man sa Dios ng pangtubos sa kaniya.
- Sapagka't ang katubusan ng kanilang kaluluwa ay mahal, at ito'y naglilikat magpakailan man.
- Upang siya'y mabuhay na lagi, upang siya'y huwag makakita ng kabulukan.
- Sapagka't nakikita niya na ang mga pantas ay nangamamatay, ang mangmang at gayon din ang hangal ay nililipol, at iniiwanan ang kanilang kayamanan sa mga iba.
- Ang kanilang pagiisip sa loob ay, na ang kanilang mga bahay ay mananatili magpakailan man, at ang kanilang mga tahanang dako ay sa lahat ng sali't saling lahi, tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
- Nguni't ang tao'y hindi lalagi sa karangalan. siya'y gaya ng mga hayop na nangamamatay.
- Itong kanilang lakad ay kanilang kamangmangan. gayon ma'y pagkatapos nila ay sinasangayunan ng mga tao ang kanilang mga kasabihan. Selah
- Sila'y nangatakda sa Sheol na parang kawan, kamatayan ay magiging pastor sa kanila. at ang matuwid ay magtataglay ng kapangyarihan sa kanila sa kinaumagahan, at ang kanilang kagandahan ay mapapasa Sheol upang matunaw, upang mawalan ng tahanan.
- Nguni't tutubusin ng Dios ang aking kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol. sapagka't tatanggapin niya ako. Selah
- Huwag kang matakot pagka may yumaman. Pagka ang kaluwalhatian ng kaniyang bahay ay lumago.
- Sapagka't pagka siya'y namatay ay wala siyang dadalhin, ang kaniyang kaluwalhatian ay hindi bababang susunod sa kaniya.
- Bagaman habang siya'y nabuhay ay kaniyang pinagpala ang kaniyang kaluluwa,
- at pinupuri ka ng mga tao pagka gumagawa ka ng mabuti sa iyong sarili.
- Siya'y paroroon sa lahi ng kaniyang mga magulang, hindi sila makakakita kailan man ng liwanag.
- Taong nasa karangalan, at hindi nakakaunawa, ay gaya ng mga hayop na namamatay.
Kabanata 50 ↟↟
- ng makapangyarihang Dios, ang Dios na Panginoon, ay nagsalita, at tinawag ang lupa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon.
- Mula sa Sion na kasakdalan ng kagandahan, sumilang ang Dios.
- Ang aming Dios ay darating at hindi tatahimik, isang apoy na mamumugnaw sa harap niya, at magiging totoong malaking bagyo sa palibot niya.
- Siya'y tatawag sa langit sa itaas, at sa lupa upang mahatulan niya ang kaniyang bayan.
- Pisanin mo ang aking mga banal sa akin, yaong nangakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain.
- At ipahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran, sapagka't ang Dios ay siyang hukom. Selah
- Iyong dinggin, Oh aking bayan, at ako'y magsasalita, Oh Israel, at ako'y magpapatotoo sa iyo. Ako'y Dios, iyong Dios.
- Hindi kita sasawayin dahil sa iyong mga hain, at ang iyong mga handog na susunugin ay laging nangasa harap ko.
- Hindi ako kukuha ng baka sa iyong bahay, ni ng kambing na lalake sa iyong mga kawan.
- Sapagka't bawa't hayop sa gubat ay akin, at ang hayop sa libong burol.
- Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok. at ang mga mabangis na hayop sa parang ay akin.
- Kung ako'y magutom ay hindi ko sasaysayin sa iyo. sapagka't ang sanglibutan ay akin, at ang buong narito.
- Kakanin ko ba ang laman ng mga toro, o iinumin ang dugo ng mga kambing?
- Ihandog mo sa Dios ang haing pasasalamat. at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataastaasan.
- At tumawag ka sa akin sa kaarawan ng kabagabagan, ililigtas kita, at iyong luluwalhatiin ako.
- Nguni't sa masama ay sinasabi ng Dios, Anong iyong gagawin upang ipahayag ang aking mga palatuntunan, at iyong kinuha ang aking tipan sa iyong bibig?
- Palibhasa't iyong kinapopootan ang pagtuturo, at iyong iniwawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
- Pagka nakakita ka ng magnanakaw, pumipisan ka sa kaniya, at naging kabahagi ka ng mga mapangalunya.
- Iyong ibinubuka ang iyong bibig sa kasamaan, at ang iyong dila ay kumakatha ng karayaan.
- Ikaw ay nauupo, at nagsasalita laban sa iyong kapatid, iyong dinudusta ang anak ng iyong sariling ina.
- Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y tumahimik, iyong inisip na tunay na ako'y gayong gaya mo. nguni't sasawayin kita, at aking isasaayos sa harap ng iyong mga mata.
- Gunitain nga ninyo ito, ninyong nangakalilimot sa Dios, baka kayo'y aking pagluraylurayin at walang magligtas.
- Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa akin, at sa kaniya na nagaayos ng kaniyang pakikipagusap aking ipakikita ang pagliligtas ng Dios.
Kabanata 51 ↟↟
- aawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob. ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang.
- Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan.
- Sapagka't kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang. at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.
- Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin. upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka, at maging malinis pag humahatol ka.
- Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina,
- Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap, at sa kubling bahagi ay iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.
- Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis. hugasan mo ako at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.
- Pagparinggan mo ako ng kagalakan at kasayahan, upang ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.
- Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan, at pawiin mo ang aking lahat na mga kasamaan.
- Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios, at magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.
- Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan, at huwag mong bawiin ang iyong santong Espiritu sa akin.
- Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas. at alalayan ako ng kusang espiritu.
- Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga mananalangsang ang iyong mga lakad, at ang mga makasalanan ay mangahihikayat sa iyo.
- Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Dios, ikaw na Dios ng aking kaligtasan, at ang aking dila ay aawit ng malakas tungkol sa iyong katuwiran.
- Oh Panginoon, bukhin mo ang aking mga labi, at ang aking bibig ay magsasaysay ng iyong kapurihan.
- Sapagka't hindi ka nalulugod sa hain, na kung dili ay bibigyan kita. wala kang kaluguran sa handog na susunugin.
- Ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob. isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Dios, ay hindi mo wawaling kabuluhan.
- Gawan mo ng mabuti ang iyong mabuting kasayahan sa Sion. itayo mo ang mga kuta ng Jerusalem.
- Kung magkagayo'y malulugod ka sa mga hain ng katuwiran, sa handog na susunugin at sa handog na susunuging buo. kung magkagayo'y mangaghahandog sila ng mga toro sa iyong dambana.
Kabanata 52 ↟↟
- akit ka naghahambog sa kasamaan, Oh makapangyarihang tao? Ang kagandahang-loob ng Dios ay palagi.
- Ang dila mo'y kumakatha ng totoong masama, gaya ng matalas na pangahit, na gumagawang may karayaan.
- Iniibig mo ang kasamaan ng higit kay sa kabutihan, at ang pagsisinungaling kay sa pagsasalita ng katuwiran. Selah
- Iniibig mo ang lahat na mananakmal na salita, Oh ikaw na magdarayang dila.
- Ilulugmok ka ring gayon ng Dios magpakailan man, itataas ka niya, at ilalabas ka sa iyong tolda, at bubunutin ka niya sa lupain ng may buhay. Selah
- Makikita naman ng matuwid, at matatakot, at tatawa sa kaniya, na magsasabi,
- Narito, ito ang tao na hindi ginawang kaniyang katibayan, ang Dios, kundi tumiwala sa kasaganaan ng kaniyang mga kayamanan, at nagpakalakas sa kaniyang kasamaan.
- Nguni't tungkol sa akin, ay gaya ako ng sariwang punong kahoy ng olibo sa bahay ng Dios. tumitiwala ako sa kagandahang-loob ng Dios magpakailan-kailan man.
- Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man, sapagka't iyong ginawa. at ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagka't mabuti, sa harapan ng iyong mga banal.
Kabanata 53 ↟↟
- ng mangmang ay nagsabi sa puso niya, Walang Dios. Nangapahamak sila, at nagsigawa ng kasuklamsuklam na kasamaan, walang gumawa ng mabuti.
- Tinunghan ng Dios ang mga anak ng mga tao mula sa langit, upang tignan kung may sinomang nakakaunawa, na humanap sa Dios.
- Bawa't isa sa kanila ay tumalikod. sila'y magkakasamang naging mahahalay, walang gumawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.
- Wala bang kaalaman ang mga manggagawa ng kasamaan? na siyang kumakain ng aking bayan na tila kumakain ng tinapay, at hindi nagsisitawag sa Dios.
- Doo'y nangapasa malaking katakutan sila na hindi kinaroroonan ng takot. sapagka't pinangalat ng Dios ang mga buto niya na humahantong laban sa iyo, iyong inilagay sila sa kahihiyan, sapagka't itinakuwil sila ng Dios.
- Oh kung ang kaligtasan ng Israel ay lumabas sa Sion. Pagka ibabalik ng Dios ang nangabihag ng kaniyang bayan, magagalak nga ang Jacob at matutuwa ang Israel.
Kabanata 54 ↟↟
- ligtas mo ako, Oh Dios, sa pamamagitan ng iyong pangalan. At hatulan mo ako sa iyong kapangyarihan.
- Dinggin mo ang aking dalangin, Oh Dios, pakinggan mo ang mga salita ng aking bibig.
- Sapagka't ang mga tagaibang lupa ay nagsibangon laban sa akin, at ang mga mangdadahas na tao ay nagsisiusig ng aking kaluluwa. hindi nila inilagay ang Dios sa harap nila. Selah
- Narito, ang Dios ay aking katulong. ang Panginoon ay sa kanila na nagsisialalay ng aking kaluluwa.
- Kaniyang ibabalik ang kasamaan sa aking mga kaaway. gibain mo sila sa iyong katotohanan.
- Ako'y maghahain sa iyo ng kusang handog. ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, Oh Panginoon, sapagka't mabuti.
- Sapagka't iniligtas niya ako sa lahat ng kabagabagan, at nakita ng aking mata ang aking nasa sa aking mga kaaway.
Kabanata 55 ↟↟
- inggin mo ang aking dalangin, Oh Dios, at huwag kang magkubli sa aking pananaing.
- Pakinggan mo ako, at iyong sagutin ako. ako'y walang katiwasayan sa aking pagdaramdam, at ako'y dumadaing,
- Dahil sa tinig ng kaaway, dahil sa pagpighati ng masama, sapagka't sila'y naghagis ng kasamaan sa akin, at sa galit ay inuusig nila ako.
- Ang aking puso ay nagdaramdam na mainam sa loob ko. at ang mga kakilabutan ng kamatayan ay nahulog sa akin.
- Katakutan at panginginig ay dumating sa akin, at tinakpan ako ng kakilabutan.
- At aking sinabi, Oh kung ako'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati! Lilipad nga ako, at magpapahinga.
- Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo, ako'y titigil sa ilang. Selah
- Ako'y magmamadaling sisilong mula sa malakas na hangin at bagyo.
- Ipahamak mo, Oh Panginoon, at guluhin mo ang kanilang wika. sapagka't ako'y nakakita ng pangdadahas at pagaaway sa bayan.
- Araw at gabi ay nagsisiligid sila sa mga kuta niyaon. kasamaan man at kahirapan ay nangasa gitna rin niyaon.
- Kasamaan ay nasa gitna niyaon, ang pagpighati at pagdaraya ay hindi humihiwalay sa kaniyang mga lansangan.
- Sapagka't hindi kaaway ang dumuwahagi sa akin, akin nga sanang nabata. ni hindi rin ang nagtatanim sa akin ang nagmamalaki laban sa akin, nagtago nga sana ako sa kaniya.
- Kundi ikaw, lalake na kagaya ko, aking kasama at aking kaibigang matalik.
- Tayo ay maligayang nagpapayuhang magkasama, tayo'y lumalakad na magkaakbay sa bahay ng Dios.
- Dumating nawang bigla sa kanila ang kamatayan, mababa nawa silang buhay sa Sheol. sapagka't kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.
- Tungkol sa akin, ay tatawag ako sa Dios, at ililigtas ako ng Panginoon.
- Sa hapon at sa umaga, at sa katanghaliang tapat, ako'y dadaing at hihibik. at kaniyang didinggin ang aking tinig.
- Kaniyang tinubos ang aking kaluluwa sa kapayapaan mula sa pagbabaka laban sa akin. Sapagka't sila'y marami na nakikipaglaban sa akin.
- Didinggin ng Dios, at paghihigantihan sila, siyang tumatahan ng una. Selah
- Kaniyang iniunat ang kaniyang mga kamay laban sa gayon na nasa kapayapaan sa kaniya. kaniyang nilapastangan ang kaniyang tipan.
- Ang kaniyang bibig ay malambot na parang mantekilya. nguni't ang kaniyang puso ay pakikidigma. ang kaniyang mga salita ay lalong mabanayad kay sa langis, gayon ma'y mga bunot na tabak.
- Ilagay mo ang iyong pasan sa Panginoon, at kaniyang aalalayan ka. hindi niya titiising makilos kailan man ang matuwid.
- Nguni't ikaw, Oh Dios, ibababa mo sila sa hukay ng kapahamakan. mga mabagsik at magdarayang tao ay hindi darating sa kalahati ng kanilang mga kaarawan, nguni't titiwala ako sa iyo.
Kabanata 56 ↟↟
- aawa ka sa akin, Oh Dios. sapagka't sasakmalin ako ng tao. buong araw ay nangbababag siya na pinipighati ako.
- Ibig akong sakmalin ng aking mga kaaway buong araw. sapagka't sila'y maraming may kapalaluan na nagsisilaban sa akin.
- Sa panahong ako'y matakot, aking ilalagak ang aking tiwala sa iyo.
- Sa Dios ay pupuri ako ng kaniyang salita, sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, hindi ako matatakot, anong magagawa ng laman sa akin?
- Buong araw ay binabaligtad nila ang aking mga salita. lahat ng kanilang mga pagiisip ay laban sa akin sa ikasasama.
- Sila'y nagpipisan, sila'y nagsisipagkubli, kanilang tinatandaan ang aking mga hakbang, gaya ng kanilang pagaabang sa aking kaluluwa.
- Tatakas ba sila sa pamamagitan ng masama? Sa galit ay ilugmok mo ang mga bayan, Oh Dios.
- Iyong isinasaysay ang aking mga paggagala. ilagay mo ang aking mga luha sa iyong botelya, wala ba sila sa iyong aklat?
- Tatalikod nga ang aking mga kaaway sa kaarawan na ako'y tumawag. ito'y nalalaman ko, sapagka't ang Dios ay kakampi ko.
- Sa Dios ay pupuri ako ng salita, sa Panginoon ay pupuri ako ng salita,
- Sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, hindi ako matatakot, anong magagawa ng tao sa akin?
- Ang iyong mga panata ay sa akin, Oh Dios. ako'y magbabayad ng mga handog na pasalamat sa iyo.
- Sapagka't iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan. hindi mo ba iniligtas ang aking mga paa sa pagkahulog? upang ako'y makalakad sa harap ng Dios sa liwanag ng buhay.
Kabanata 57 ↟↟
- aawa ka sa akin, Oh Dios, maawa ka sa akin, sapagka't ang aking kaluluwa ay nanganganlong sa iyo. Oo, sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako, hanggang sa makaraan ang mga kasakunaang ito.
- Ako'y dadaing sa Dios na Kataastaasan, sa Dios na nagsagawa ng lahat na mga bagay sa akin.
- Siya'y magsusugo mula sa langit, at ililigtas ako, pagka yaong lulunok sa akin ay dumuduwahagi, Selah susuguin ng Dios ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang katotohanan.
- Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon. ako'y nahihiga sa gitna niyaong mga pinaningasan ng apoy, sa mga anak ng tao, na ang mga ngipin ay sibat at mga pana, at ang kanilang dila ay matalas na tabak.
- Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit, mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.
- Kanilang hinandaan ng silo ang aking mga hakbang. Ang aking kaluluwa ay nakayuko. sila'y nagsihukay ng isang lungaw sa harap ko. Sila'y nangahulog sa gitna niyaon. Selah
- Ang aking puso ay matatag, Oh Dios, ang aking puso ay matatag. ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri.
- Gumising ka, kaluwalhatian ko, gumising ka, salterio at alpa. ako'y gigising na maaga.
- Ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bayan. ako'y aawit sa iyo ng mga pagpuri sa gitna ng mga bansa.
- Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay dakila hanggang sa mga langit, at ang iyong katotohanan hanggang sa mga alapaap.
- Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit, mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.
Kabanata 58 ↟↟
- unay bang kayo'y nangagsasalita ng katuwiran Oh kayong mga makapangyarihan? Nagsisihatol ba kayo ng matuwid, Oh kayong mga anak ng mga tao?
- Oo, sa puso ay nagsisigawa kayo ng kasamaan, inyong tinitimbang ang pangdadahas ng inyong mga kamay sa lupa.
- Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata. sila'y naliligaw pagkapanganak sa kanila, na nagsasalita ng mga kasinungalingan.
- Ang kanilang kamandag ay parang kamandag ng ahas. sila'y gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kaniyang pakinig,
- At hindi nakakarinig ng tinig ng mga enkantador, na kailan man ay hindi umeenkanto ng gayon na may karunungan.
- Iyong bungalin ang kanilang mga ngipin, Oh Dios, sa kanilang bibig. iyong bungalin ang mga malaking ngipin ng mga batang leon, Oh Panginoon.
- Mangatunaw nawa silang parang tubig na umaagos. pagka inihilagpos niya ang kaniyang mga palaso, maging gaya nawa ng nangaluray.
- Maging gaya nawa ng laman ng laman ng suso na natutunaw at napapawi. na gaya ng naagas sa babae na hindi nakakita ng araw.
- Bago makaramdam ang inyong mga palyok ng mga dawag na panggatong, kaniyang kukunin ang mga yaon ng ipoipo, ang sariwa at gayon din ang nagniningas.
- Magagalak ang matuwid pagka nakita niya ang higanti. kaniyang huhugasan ang kaniyang mga paa sa dugo ng masama.
- Na anopa't sasabihin ng mga tao, Katotohanang may kagantihan sa matuwid. katotohanang may Dios na humahatol sa lupa.
Kabanata 59 ↟↟
- ligtas mo ako sa aking mga kaaway, Oh Dios ko. ilagay mo ako sa mataas sa kanila na nagsisibangon laban sa akin.
- Iligtas mo ako sa mga manggagawa ng kasamaan, at iligtas mo ako sa mga mabagsik na tao.
- Sapagka't narito, kanilang binabakayan ang aking kaluluwa, ang mga makapangyarihan ay nagpipisan laban sa akin. hindi dahil sa aking pagsalangsang, o sa aking kasalanan man, Oh Panginoon.
- Sila'y nagsisitakbo at nagsisihanda na wala akong sala. ikaw ay gumising na tulungan mo ako, at masdan mo.
- Sa makatuwid baga'y ikaw, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, na Dios ng Israel, ikaw ay bumangon upang iyong dalawin ang lahat ng mga bansa. huwag kang maawa sa kanino mang masamang mananalangsang. Selah
- Sila'y nagsibalik sa kinahapunan, sila'y nagsitahol na parang aso, at nililigid ang bayan.
- Narito, sila'y nanunungayaw ng kanilang bibig, mga tabak ay nangasa kanilang mga labi. sapagka't sino, sabi nila, ang nakikinig?
- Nguni't ikaw, Oh Panginoon, tatawa sa kanila, iyong tutuyain ang lahat ng mga bansa.
- Dahil sa kaniyang kalakasan, didinggin kita, sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog.
- Ang aking Dios pati ng kaniyang kagandahang-loob ay sasalubong sa akin. ipakikita ng Dios sa akin ang aking nasa sa aking mga kaaway.
- Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan, pangalatin mo sila ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila, Oh Panginoon na kalasag namin.
- Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi, makuha nawa sila sa kanilang kapalaluan, at dahil sa sumpa at pagsisinungaling na kanilang sinalita.
- Pugnawin mo sila sa poot, pugnawin mo sila, upang sila'y mawala. at ipakilala mo sa kanila na ang Dios ay nagpupuno sa Jacob, hanggang sa mga wakas ng lupa. Selah
- At sa kinahapunan ay papagbalikin mo sila, pahagulhulin mo silang parang aso, at libutin nila ang bayan.
- Sila'y gagala na magmamanhik-manaog dahil sa pagkain, at maghihintay buong gabi kung hindi sila mabusog.
- Nguni't aking aawitin ang iyong kalakasan, Oo, aking aawiting malakas ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan. sapagka't ikaw ay naging aking matayog na moog, at kanlungan sa kaarawan ng aking kabagabagan.
- Sa iyo, Oh kalakasan ko, aawit ako ng mga pagpuri. sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog, ang Dios ng aking kaawaan.
Kabanata 60 ↟↟
- h Dios, iniwaksi mo kami, ibinagsak mo kami, ikaw ay nagalit, Oh papanauliin mo kami.
- Iyong niyanig ang lupain, iyong pinabuka. pagalingin mo ang mga sira niyaon. sapagka't umuuga.
- Nagpakita ka sa iyong bayan ng mahihirap na bagay. iyong ipinainom sa amin ang alak na pangpagiray.
- Nagbigay ka ng watawat sa nangatatakot sa iyo, upang maiwagayway dahil sa katotohanan. Selah
- Upang ang iyong minamahal ay makaligtas, magligtas ka ng iyong kanan, at sagutin mo kami.
- Nagsalita ang Dios sa kaniyang kabanalan, ako'y magsasaya. aking hahatiin ang Sichem, at aking susukatin ang libis ng Succoth,
- Galaad ay akin, at Manases ay akin, Ephraim naman ay sanggalang ng aking ulo, Juda ay aking setro.
- Moab ay aking hugasan, sa Edom ay aking ihahagis ang aking panyapak, Filistia, humiyaw ka dahil sa akin.
- Sinong magdadala sa akin sa matibay na bayan? Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
- Hindi mo ba kami iniwaksi, Oh Dios? At hindi ka lumalabas, Oh Dios, na kasama ng aming mga hukbo.
- Tulungan mo kami laban sa kaaway, sapagka't walang kabuluhan ang tulong ng tao.
- Sa pamamagitan ng Dios ay gagawa kaming may katapangan. sapagka't siya ang yumayapak sa aming mga kaaway.
|
|